"Sulat ng Isang Anak"
"Sulat ng Isang Anak"
Ella Marie L. Mandane
(Spoken word poetry winner, Buwan ng Wika)
Grade 12
Ikaw yung liwanag ng buhay ko,
Buhay na hindi mo ipinagkait para sa tulad kong paslit.
Paslit na iyong dinala ng siyam na buwan, paslit na hindi mo pinabayaan.
Paslit na sabi mo, biyaya ng Maykapal na tatawagin mong anak.
Hindi alintana ang sakit, kirot at paghihirap
Masilayan lamang ang paslit na hinahangad.
Sa kabila ng matinis na pag-iyak, siya namang kagalakan ng isang babaeng pagod na pagod, hingal na hingal at tila mala lantang gulay matapos akong iluwal.
Magmula sa iyong buong pag-iingat nang ako'y iyong dinadala
Sa sinapupunan na mala paraiso ko't palaruan habang ako'y sabik na ika'y masilayan.
Dumating na nga ang araw na hinihintay,
Ang araw kung saan iyong masisilayan ang paslit na biyaya ng Poong Maykapal
Ang araw kung saan magsisimula ang iyong responsibilidad
Sa sanggol na tatawagin kang nanay.
Naalala ko pa ang mga panahong ang gabi ay nagiging araw
Ang mga mata mong dilat na dilat
Para lang ipagtimpla ako ng gatas
Ang paghele sa tanghaling tapat
Para makatulog ako ng naaayon sa oras.
Batid ko ang lahat ng iyong paghihirap
Paghihirap upang ipamalas ang mga karapatan,
Paghihirap para makatungtong sa magandang paaralan
At magkaroon ako ng magandang kinabukasan.
Lumipas ang araw, ang buwan, at ang taon.
Maraming tanong ang nabuo sa aking isipan.
Mga tanong na ni minsan hindi ko mabigyan ng kasagutan.
Mga tanong na hanggang ngayon patuloy kong inaalam ang dahilan.
Diskriminasyon sa loob ng tahanan aking nararanasan
Pagkukumpara mo sa akin at sa anak ng iyong pinsan.
Ma, kay sakit sa pakiramdam,
Kaysakit sa pakiramdam ng mga katagang iyong binibitawan.
Mga katagang iyong binabato ng walang pag-aalinlangan
Mga katagang hindi ko lubos na maunawaan kung paano mo ito binibitawan.
Mga katagang wari'y isang patalim na isasaksak sa akin para lang matauhan.
Naalala ko pa ang mga panahon na binitawan mo ang mga katagang iyon.
Mga katagang hindi ko malilimutan, tumatak na sa aking isipan at nailathala na sa aking karanasan.
Mga katagang "hindi ka karapat-dapat ipagmalaki bilang anak ko"
Mga katagang "wala kang kwentang ate sa mga kapatid mo"
Mga katagang "wala kang silbi at lumayas ka dito"
Hindi ako kumibo ng mga oras na iyon.
Pero ma, aaminin ko durog na durog ang puso ko sa mga katagang binitawan mo.
Ni minsan hindi mo ako pinakinggan
Mga kwentong tungkol sa paaralan wala kang pakealam.
Hindi mo alam kung ano ang aking nararamdaman
Tanging ang unan sa gabi ang sandayan
Mga kaibigan at guro sa paaralan ang aking takbuhan.
Mga masasakit na salitang hindi ko malimutan
Ginawa kong motibasyon para ipagpatuloy ang pagkamit ng tagumpay.
Gustuhin mang magtanim ng sama ng loob pero hindi ko magawa
Hindi ko magawa pagkat alam kong hindi tama.
Sa tuwing nagbibitaw ng masasakit na salita
Puso'y nababalot ng pangamba
Pangamba na kung ako pa nga ba ay may halaga.
Pero ma, gusto kong iparating sa iyo na sa kabila ng mga naranasan ko
Sa kabila ng mga katagang natanggap ko mula sa iyo
Hindi ko maipagkakait na hindi sapat ang salitang salamat
Sa lahat ng iyong sinakripisyo, sa lahat ng iyong paghihirap.
Ma, walang salita ang magsasabi kung gaano ko kaylangan ang iyong pagkalinga
Walang salita ang magsasabi kung gaano ko nais maramdaman muli ang iyong magiliw na pag-aaruga
Sapagkat alam ko, alam ko sa sarili ko na hindi matutumbasan ng kahit anong salapi, kahit anong pag-aari ang pagmamahal ng isang ina.
Walang isang salita ang makapagsasabi kung gaano ka kahalaga
Sa kabila ng mga natanggap kong masasakit na salita na hindi ko inakala
Walang isang salita ang makapagsasabi kung gaano ako pinagpala
Sapagkat meron akong ina, ina na wala ang iba, isang ina na hinahangad ng mga nangungulila.
Ma, sa kabila ng mga dinanas, sa kabila ng aking mga natanggap, sa kabila ng mga luhang pumatak
Ikaw pa rin talaga, ikaw pa rin ang nagpabatid ng tunay na pag-ibig.
Ikaw pa rin ang babaeng dakila sa anumang sulok ng daigdig
Ikaw pa rin ang huwaran at bayani na namumukod tangi at nag-iisa sa aking dibdib.
Spoken Word Poetry winner, Ms. Ella Marie L. Mandane of Grade 12 (Photo by SSG)